Pacquiao The Movie 2006

Watch pinoy action movies online. No Video? Use Google Chrome and Microsoft Silverlight.

Mula pa sa pagkabata ay matinik na sa suntukan si Manny Pacquiao (Jericho Rosales). Sa karamihan ng mga "napapatulog" sa suntukan ng mga bata ay napansin siya ng mga may interes sa boksing. Nahikayat siyang pumunta sa Maynila upang mabigyan ng kaukulang pagsasanay (training) at nang maging mahusay siyang boksingero pagdating ng panahon. Laban sa kagustuhan ng kanyang ina (Jaclyn Jose), nagtaanan ang batang si Manny (Jiro Manio) at sumakay ng bapor pa-Maynila. Nagpaalam lamang siya sa kanyang ama (Tirso Cruz III) na di naman maglalaon ay makikipaghiwalay na sa ina ni Manny. Nagpakita rin ng kakaibang sipag at tiyaga ang binatilyong si Manny sa kanyang trainer sa Maynila: may kusa sa kanyang mga Gawain sa bahay at may sikhay na kumita ng ikabubuhay sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang isang construction worker. Patuloy ang pagsikat ng bituin ni Manny hanggang sa siya'y inilalaban na sa ring. Hinangaan ang binata sa bawa't panalo niya. Dumating sa buhay niya si Jinky (Bea Lorenzo) na kanyang magiging kabiyak, subalit ayaw ito ng kanyang ina at mga kapatid.

Kailangang sabihin dito na ang Pacquiao the Movie ay hindi lubusang makatotohanan. Mismo sa dulo ng pelikula ay sinasabing base lamang ang pelikula sa buhay ni Pacquiao subalit dinagdagan ito ng mga tauhang at mga pangyayari—sa paniniwala nilang mapagyayaman nito ang talambuhay ng boksingero. Masalimuot ang takbo ng istorya sapagkat napakaraming flashback, bagay na nakalilito sa manunuod sapagkat ni hindi man lamang iniiba ang makeup ng mga artista upang ipakita ang paglakad ng panahon. Halimbawa, ang itsura ni Jaclyn Jose—bilang ina ng batang si Manny at ina pa rin ng boksingerong may sarili nang pamilya—ay hindi nagbabago. (Lagyan man lang kaya ng isa o dalawang guhit sa noo, ano? For the sake of authenticity!) Isa pa: Mula nang pumasok sa eksena si Jericho Rosales bilang Pacquiao na hindi pa kilala, hanggang sa siya'y maging world champion, ay ni wala ring pagbabago. (Sa tunay na buhay, nagpa-blonde pa nga si Manny Pacquiao ng ilang taon!) Isa pang katawa-tawang punto sa pelikula ay ang "hilaw" na Bisaya. Tagalog ba iyon na binisaya o Bisaya na tinagalog? "Halu-halong kalamay", ika nga. Marahil, para madaling maunawaan ng Bisaya man o Tagalog na manunuod. Anuman, mapapatawad na namin ang mga kakulangan ng pelikula sapagkat marubdob ang pagganap ng mga pangunahing tauhan. Feel na feel, ika nga. Sa kabila ng kakatwang tunog, kapani-paniwala pa rin si Bea, Jay Manalo, Jaclyn at Jericho. Lalo na si Jericho na pati mga manerismo ni Pacquiao ay kuhang-kuha.

No comments:

Post a Comment